Di baleng madapa ka, ang mahalaga ay bumangon ka’t siniguradong may natutunan ka sa pagkakadapa mo.

Parang seryoso ang opening ko, pero nais ko lang i-share na SOBRANG LIKOT na ng anak ko. Lakad dito, lakad doon, gulong dito, gulong doon, iyak dito, iyak doon at kung anu-ano pang dito at doon. Kung makangiti pa, kala mo naman may ngipin na. Ang di ko lang alam, pag nadadapa ba ang bata, natututo ba sya talaga, tayo ngang matatanda, madalas madapa wala namang natututunan.

Pag malikot na sya, mamimiss mo yung first three months nya na pag binaba mo sa isang lugar, doon mo pa rin dadatnan. Ngayon pag binaba mo sa isang lugar dalawa lang ang pwedeng mangyari, iiyak sya o susunod sya sayo. Hindi ako nagrereklamo, mas ok ngayon kesa dati kasi nagrerespond na sya sayo. Ibang-iba ang pakiramdam at kahit pagod ka, pag ngumiti sya sayo, pawi na ang lahat ng pagod mo.

Marunong na syang tumayo, at magaling na syang gumapang. Naglalakad –lakad na rin sya sa sala habang nakakapit sa sofa. Sumasabay  na sya kumain sa amin, at nagagalit pag matagal ang susunod na subo. Malakas kumain, 6 na dede, 3 soft food araw-araw.  Nauubos tuloy ang imbak na gatas ng aking asawa. Ayaw nya uminom ng tubig sa feeding bottle, gusto nya sa baso o kaya naman gamit ang kutsara. Galit pa rin sya sa vitamins nya, buti na lang wala pa rin syang magawa pag pinapainom namin sya. Malakas na rin sya sumigaw at umiyak, nananapok na din, naninipa sa mukha habang natutulog at nang-uupper cut pag niyakap mo. Hindi na rin kami tabi matulog ng asawa ko dahil may matabang spacer sa gitna namin. Ayaw sa Crib matulog, nagiging kulungan na lang nya pag may ginagawa kami. Sana di pa muna nya maisip tumalon palabas ng crib. 9 na buwan na sya, at di ako nagsisising di ko tinanggap ang offer ko abroad dahil kung hindi, mamimiss ko lahat ng ito.

Naadik kaming mag-asawa sa FRIENDS, at hindi lang kami pati si baby, well yung opening song lang naman ang laging nakakakuha ng atensyon na, sumasayaw sya habang nakaupo at hindi mo sya magagambala habang tumutugtog ang “I’ll be there for you, (When the rain starts to pour), I’ll be there for you, hmm hmm hmm hmm hmm hmm”.  Mahilig din sya sa commercials, lalo na yung “Surf Powder, May fabcon na”, pero pag totoong palabas na katulad ng Forevermore, wala na syang pake. Kagabi lang namin napatunayan na nakakaidentify na rin sya ng kanta, dahil pag kumakanta ako ng wiggle wiggle(Favorite song nya), sumasayaw sya pero pag my  heart goes shala-lalala, di sya sumasayaw.

Ang galing lang, ang sayang experience at napakaswerte naming mag-asawa na may ganito kaming biyaya na natanggap. Sulit ang pagod sa trabaho dahil lahat ng ginagawa namin, alam naming para sa ikabubuti nya. Malapit na syang mag-isang taon, ang bilis lang ng panahon, mukhang kailangan ko ng matuto ng ibang martial arts bukod sa boxing dahil di ko na lang mamamalayan may manliligaw na si baby.

Share