Haligi ng tahanan kung ipakilala sya noong elementarya. Provider at idol sa iba. Mayroon din namang sira-ulo at gagong mga ama pero hindi natin maikakaila, kagaya ng mga ina, utang natin ang buhay natin sa kanila.

Medyo kakaiba na makatanggap ka ng text at greetings sa facebook ng happy father’s day. Kapreho siguro ito ng pakiramdam ng unang birthday, unang graduation at unang trabaho. Pero sa lahat ng una, para sa akin ito ang una sa maraming pagkakataon na kailangan kong patunayan na karapat-dapat akong tawaging ama ng anak ko, at asawa sa misis ko.

Habang lumalaki ako, kakaonti ang ala-ala ko ng perpektong buhay, mahirap ang pinagdaanan namin. Hindi kumakain ng tatlong beses sa isang araw, nangungutang ng pang-tuition at pambaon, hindi makakagraduate kung hindi pinag-aral ng mga tito, tita, ninong at ninang. Hindi ko nais sisihin ang mga magulang ko, alam ko namang ginawa nila ang lahat para maitawid kami sa kabilang dulo ng daan. Mainam pang sisihin ang tadahana, pero kung hindi dahil sa mga hirap na dinanas naming magkakapatid, di kami matututong lumaban at magsumikap at ipangako sa sarili na ang pamilyang bubuuin namin ay  hindi kailan man daranasin ang hirap na bumalot sa aming pagkabata.

Salamat sa tadhana dahil naituro nito kung paano ako magiging ama at asawa, maging kapatid at kaibigan. Kung meron akong natutunan,ito ay di lahat perpekto, di lahat naayon sa plano, di lahat ng meron ang kalaro mo noong bata magkaka-roon ka, pero ang magagawa mo lang ay magsumikap upang ang anak mo ay magkaroon ng lahat ng bagay na wala ka noon, pero kasabay nito dapat matuto siyang magsumikap para makuha din ang mga bagay na gusto nya.

Ito ang mga pinakaimportanteng bagay para sa akin, alam kong newbie, rookie pa lang ako sa larong ito, pero habang lumalaki ako, ito ang hinahanap ko sa tatay ko kahit nandyan naman sya:

1. Suportahan mo ang asawa mo, wag mo siyang ipapahiya sa harap ng mga anak mo, lalo na sa harap ng ibang tao.

2. Unahin mo ang pamilya mo, ibigay mo ang pangangailangan nila pero wag ka ring makakalimot na tumulong sa iba.

3. Wag na wag mong ipagkakait sa mga anak mo ang pangunahing pangangailangan nila, di baleng ikaw ang mawalan wag lang sila.

4. Pilitin mong alamin ang gusto ng mga anak mo, pilitin mong matutunan ang mga lesson nila sa school, para naman pag may assignment sila, matuturuan mo sila.

5. Wag mong sasaktan ang anak mo lalong lalo na ang asawa mo, kung gusto mong manakit, mag boksingero ka, sigurado ang sakit doon.

6. Turuan mo silang magsumikap, matakot sa diyos at makipag-kapwa tao. Di nila sa ibang tao dapat matutunan yan.

7. Maging idolo ka  ng mga anak mo, sa isip sa salita at sa gawa

Marahil may hindi sasang-ayon o may mag-isip na para maging isang mabuting ama ay maging mala-Jesus ka na sa kabaitan. Hindi, maraming bagay na hindi natutupad, maraming bagay na hindi alinsunod sa tubo ng pagkatao mo, pero ang mahalaga, ikaw ang magbigay sa sarili mo ng panuntunan sa pagiging mabuting ama. At dahil nagset ka na rin lang naman ng standards, set it high.

Maligayang araw ng mga ama fellow tatays. Nawa’y patuloy nating magabayan ang ating pamilya sa alam nating pinakamabuti at tuwid na paraan.

Share