As soon as malaman naming na buntis nga si misis, kami ay agad naghanap ng doctor na bukod sa malapit sa aming tinitirhan ay accredited din dapat ng aming health card. Libre ang check-up kung ang OB nyo ay accredited doctor ng health card nyo, check-up lang mga nanay at tatay ha, hindi kasama dyan yung mga lab tests, ultrasound at iba pang examinations na kailangan i-undergo ng isang buntis.

Hindi naman kami nahirapang maghanap ng doctor sa mga ka-sis namin sa female network.(Mga tatays, itong website na ito ay isang magandang sandigan sa tuwing gusto mong maintindihan ang mga babae. Nagsimula akong maging fan nito simula noong naghahanap kami ng suppliers sa kasal, ngayon naman sa pagbubuntis at malamang pag nagpapalaki na ng bata ay maasahan pa rin natin ang mga “sis”). Magaling daw ang aming napiling doctor at bukod sa magaling, maswerteng accredited sya ng health card hindi lang ni misis pati na rin sa aking card.

Excited kaming pumunta sa kanya, pero bago yun kumuha muna kami ng  form sa opisina ng health provider ni misis sa ospital at saka kami pumila. Naghintay ng kaonti at lumipas ang ilang minuto ay kami na ang susunod. Maayos naman ang usapan naming, medyo awkward, akala ko sa simula lang pero hanggang sa huling check-up namin sa kanya ay ganoon pa rin. Hindi ko alam kung hindi lang ba kami pala-tanong, o hindi lang mukhang welcome ang mga tanong sa expressions na pinapakita nya sa amin. Sabi ko, baka sa una lang ganun. Hindi pala.

Mga nakalimang check-up kami sa kanya, pero awkward pa din, di pa rin nya ako kinakausap, ni hindi nya manlang din ako nginingitian. Napapaisip na ako kung badtrip ba sya sa mukha ko, o ganoon lang talaga sya. Sa limang check-up namin sa kanya, apat dito tumatagal lamang ng dalawa hanggang limang minuto ang usapan namin at ito ang laging closing remarks nya, “OOOOOKey”, yan ang cue pag gusto na nyang tapusin ang session namin. Sa apat na check-up nay an, lagi naming inuunang ipakita yung form ng health provider naming. Minsan nalimutan naming ipakita, himalang kinausap nya kami ng lampas 5 minutes at all smiles sya sa amin. Ano kaya ang ibig sabihin nito?

Ito ang mga posibleng dahilan kung bakit ganoon ang nangyayari:

A. Fixed price at medyo mababa ang nakukuha ng doktor sa mga health care providers kahit gaano pa kadami ang mga pasyente pag ang pasyente ay under ng health card kumpara sa paying patients na diretso ang bayad sa kanila. Kaya siguro lagi sya nagmamadali pag kausap kami para mas makarami syang direct patients.

B. Nasa getting to know stage palang si dok at ang pasyente kaya yung awkward feeling ay laging nandoon

C. Ganoon talaga ang personality ni dok, maonti magsalita at maonti ngumiti

Sa limang beses kaming nagpacheck-up, parang si A. ang napili kong sagot. Oo nainis ako, pero naisip ko, at the end of the day, ang pag dodoktor ay isa pa ring propesyon na pinagkakadalubhasaan ng isang tao para sya ay kumita at masuportahan ang kanyang pamumuhay. Trabaho pa rin ito, at bilang trabaho ito, kailangan pa ring kumita. Kagaya mo at kagaya ko. Hindi ko sinasabing lahat ng doktor ay ganito, nagkataon lang na ito ang nagyari sa amin. At nagkataon lang na ganito ako mag-isip.

Dahil hindi matapos –tapos ang awkward at getting to know stage namin ni Doc A ay lumipat kami kay Doc B. Si Doc B ay mabait, makwento at sa unang pagkikita pa lang ay mapapalagay na ang loob namin. Masasabi kong si Doc B na ang para sa amin, madaling itext at tawagan, madaling pagtanungan at bukod sa lahat tinanggal nya ang awkward at getting to know stage na malamang ay pinagdadaanan ng mga bagong magiging magulang.

Sa ngayon ay patuloy pa rin si Doc B sa pag-aalaga kay misis. At sigurado akong hindi nya pababayaan ang asawa at anak ko. Yun lang naman ang mahalaga sa akin.

Mga tatay, ito ang morals of the story para sa atin:

  1. Ang mga doktor, katulad ng sabon ay maari ring piliin. Kung hindi hiyang sayo, pwede kang magpalit.
  2. Hindi obligasyon ng doktor na kausapin, ngitian at kwentuhan ang tatay, si baby at si nanay ang priority nya kaya wag ka magtampo.
  3. Wala na yatang libre sa mundo, kung gusto mo ng maayos na serbisyo, kadalasan may katapat itong presyo. Maswerte ka kung ang presyong ibinabayad mo ay tatapatan ng sinseridad at tunay na pag-aalaga at serbisyo.
  4. Mag-ipon, magplano at mag-ipon ulit. Maaring madali ang gumawa ng bata, pero ang pag-papaanak, pag-aalaga at pagpapalaki ng bata ay isang seryosong bagay na dapat pinag-iisipan at pinaghahandaan.

 

Inuuit ko, hindi lahat ko nilalahat ang doktor at wala akong intensyong siraan ang kung sino man. Ito ay pagpapahayag lamang ng saloobin at malikot na isipan. Sa huli, saludo pa rin ako sa mga doktor at iba pang medical professionals na handang kumalinga at magligtas ng buhay ng mga pasyenteng kung tutuusin ay estranghero naman talaga sa buhay nila. Palagi ko kayong titingalain dahil hindi biro ang propesyon nyo.

PS:

Wag nyong gamutin yung taxwoman na umaapi sa inyo. 😀

 

Share