Mas Masakit Kung Si Baby Ang May Sakit
Ubo dito, ubo doon. Bahin dito, Bahin doon.
Ito ang unang pagkakataon na nagkasakit si baby. Nakakaawa, masama pakiramdam nya pero di nya masabi dahil sa pag-iyak lang nya maipaparating ang nararamdaman nya. Sa bawat ubo at bahin, parang may binabaon sa puso naming mag-asawa. Totoo nga ang sabi ng matatanda, na mas gugustuhin pa ng magulang na sila ang magkasakit kesa ang kanilang mga anak. Ito na ata yung panahon na maalala mo lahat ng sinasabi ng Nanay at Tatay mo na nagsisimula sa, “Pag ikaw nagakapamilya…” at “Pag-ikaw nagkaanak, maiintindihan mo din …”. Dahan-dahan at unti-unti mong maiintindihan at pagdadaanan ang lahat ng pinagdaanan nila.
Kumunsulta kami sa Pedia at sa awa ng Diyos, wala naman daw plema si Kaite, sipon lamang daw at kaya inuubo ay dahil sa backflow ng sipon sa lalamunan nya. Ang masama daw ay yung may garalgal ang ubo dahil ibig sabihin noon ay may plema na sya. Natatakot ako dahil bilang may hika ako, ayaw kong maranasan ng anak ko ang hirap ng mayroong hika. Kung baga sa kanta, “Kunin mo na ang lahat sa akin, wag lang ang hika ko— at itsura ko :D. Naalala ko ang pakiramdam na parang 1/8 na lang ng baga ko ang hinihingahan ko at dahil wala kaming pambili ng nebulizer, dinadala ako sa hospital para makigamit ng nebulizer.
Maari daw dahil sa pagpapalit ng panahon kaya sinipon si baby, kaya ang binigay sa amin ay nasal spray at anti-histamine na naka-drops. Siyempre, first time ko rin makakita ng nasal spray kaya tinry ko muna. Masakit sa ilong, nakakaluha, pero nakakatunaw nga sya ng sipon. Ang weirdo nito, si baby di naluluha at di naiirita sa nasal spray, buti na lang dahil dagdag sakit na naman kung makita mo syang nahihirapan sa gamot.
Alam kong simula pa lang ito ng maraming pagkakataon na makikpaglaban kami sa sakit, pero ang tanging hiling ko lang at malamang ng lahat ng magulang ay wag na sanang kahit anong mas malala pa dito. At kung pupwede, sana wag na silang dapuan ng kahit anong sakit.
Please lang ubo’t sipon, sana ito na ang una’t huling dadapuan mo ang anak ko, dahil kung pwede lang kitang sapakin, bubugbugin kita.