Noong mga unang buwan ng pagbubuntis ni misis, maraming nagtatanong kung babae ba daw o lalaki. Nakailan din kaming ultrasound(patakas) at umaasang baka machambahan namin at makita ang kasarian ng aming baby. Ngunit hindi namin nalaman ito hanggang nung 6 months na sya sa tiyan ni misis.

Ang mga kaibigan namin ay nagpupustahan pa, kung babae ba daw o lalaki. Kami ni misis may sarili ring hula. Kung lalaki, tuturuan ko magdrums, magbasektball, magpalipad ng saranggola, magswimming, magbike. Kung babae . . . . di ko alam. Di nga ako marunong mag-ayos ng buhok, kaya nga ako nagpakalbo. Ang alam ko lang sa damit ay pag patayo ang stripes ay nakakapayat, wala akong alam na gagawin kung maging babae ang aming anak ang nagstand-out lang sa aking isip ay ang pagiging “tagapagaligatas-a” sa aking anak sa mga manliligaw sa kannya.

At dumating ang itinakdang araw na malalaman na namin ang kanyang gender. Buong akala ko ay lalaki dahil sa malikot sya sa tiyan, nangingitim ang mga singit singit ng katawan ni misis at medyo hindi sya nagboobloom, pero mali. Ang anak namin ay babae. Ayon nga kay doktora “Pepeng pepe” daw at mala-hamburger. Di ko rin naintindihan ang mala-hamburger pero ang naintindihan ko ay babae na nga ang aming anak.
Sa totoo lang, wala kaming pangalan para sa babae, pero habang pauwi kami ng bahay akalain mong nakaisip kami ng pangalan in less than a minute. Sabi ni misis, gusto nya ng letter “K” at naiisip nya ay Kaitlin. Sabi ko naman, dahil deboto ako ni Mama Mary, ay isama namin ang Mary sa pangalan ni baby. At simula noon, tinawag na namin sya na Kaite. Mary Kaitlin P. Angeles ang pangalan ng aming pinakamamahal na unang baby.

Pagkatapos ng pangalan, ang sunod na problema ng tatay ay ang pag-aayos ng buhok, pagbili ng kung ano-anong klase ng damit. Sa lalaki kasi ay polo, t-shirt, shorts at pantalon lang, sa babae napakarami. Bukod sa pag-aayos kay Kaite, sunod kong inisip kung kailan sya dapat ligawan, mga 22-25 pwede na. Kung mas bata ay hinahanda ko na ang programa ng pagsubok sa mga manliligaw sa anak ko at dapat malagpasan ng mga pesteng manliligaw na yan ang mga pagsubok ko. Bwahahahaha (evil laugh yan)

Mapalalaki pa man o mapababae, sinisigurado kong pupuspusin namin siya ng pagmamahal, hindi pababayaan at titiyakin naming maibibigay namin ang lahat ng pangangailangan niya at ng mga magiging anak namin. Nagbago na ang dahilan kung bakit kami nagtatrabaho at nagbabago na rin ang mga priorities namin sa buhay.

Sa kaunting panahong natitira ay magigigng ganap na kami na mga magulang. Nakakatakot pero lamang na lamang ang pakiramdam ng pananabik sa bagong yugto ng aming buhay. Kaya Kaite, ngayon pa lang, gusto kong sabihin na mahal na mahal ka namin at humanda ang mga manliligaw mo, papadaanin ko sila sa butas ng karayom. Pero kung anu’t-ano man, ang kaligayahan at kabutihan mo ang aming pangunahing trabaho at responsibilidad.

Kaite - It's a Girl
Girl
Share