Binyag, Soft food, Unang Gapang at Upo
Matagal-tagal na din akong di nakapagsulat dahil sa busy schedule at kung anu-anong activities na ginagawa aside sa pag-aalaga kay baby. Marami na rin syang level-up simula noong huling beses akong sumulat. Natuto na syang gumapang at umupo, konti na lang at makakasabay ko na syang maglakad at di ko na lang mapapansin, magkakaboypren na sya at ako na ang kanyang di papansinin.
Nagsimula ang lahat sa frog-like jump na gapang. Habang tumatagal, lumalakas na ang mga bisig ni baby. At ngayon, mabilis na syang gumapang lalo na kung may pinag-iinitan syang abutin na bagay, ika nga namin “Eyes on the prize” ang itsura ni baby habang masigasig nyang ginagapang ang laptop, bag, cell phones, plastic at kahit anong makita nyang sa tingin nya ay pwede nyang isubo.
Ngayon sa umaga, pagkagising nya ay dadapa sya at magpupush-up sabay tira ng killer smile pag narinig na nya ang “Gooooooooooood Morniiiiiiiiiiing Baby!”(note: high pitch). Ito ang pinakamaiging umagahan na matatanggap ng isang tatay na katulad ko. Madalas kasi, aalis ako ng tulog si baby at dadating akong tulog din sya, kaya masarap namnamin ang ngiti ng aking munting prinsesa sa umagang naabutan ko siyang gumising.
Natuto na rin syang umupo mag-isa, mahirap nga lang kasi medyo hindi pa magaling mag-balance ang aming tabachingching at noong minsan ay nauntog pa ng bumagsak sya sa pagkaka-upo. Lesson learned, wag munang iwanan magisa si baby lalo na kung hindi malambot ang sahig dahil nagdidive sya patalikod. Laging tatandaan, doble ang sakit na mararamdaman mo kung si baby ang nasasaktan. Naiisip ko pa lang, na kung may mananakit na lalaki sa anak ko, titriplihin ko ang sakit na mararamdaman nya sabay ang mga linya ni Liam Neeson sa Taken na “I will look for you, I will find you, and I will kill you”.
Patuloy ang paglaki at pag level-up ni baby. Gaya nga ng sabi sa commercial sa radyo ng tiki-tiki, “palaki na sya nang palaki at patakaw na sya nang patakaw”. Wala pang ngipin si baby (excited na kami) pero maari na daw siyang kumain ng soft food (lahat ng pwedeng imashed ay pwede). Favorite ni baby ang saging pero di ko masabi kung gusto ba nya yung patatas, ang boring kasi ng lasa. Ibang-iba na rin ang jebs ni baby, umaalingasaw at kulay green na, nakakapanghina lalo na kung ikaw ang magpapalit ng diaper.
Isa na ring ganap na Katoliko ang aming munting prinsesa noong binyagan sya last November 8. Sa mga tatay at nanay na magpapabinyag, may mga simbahan na pwede magpabinyag ng solo at sabayan. Kung gusto nyo ng solo, research na kayo kung saang simbahan merong solo habang maaga dahil parang kasal, nagkakaubusan din ng schedule ang mga simbahan. But wait, there’s more, kung ikaw ay magpapabinyag sa isang simbahan outside sa nakakasakop na parokya sa iyong tinitirhan, kailangan mong magsecure ng authorization letter (di ko sure ang totoong tawag sa letter, pero parang ganyan) na mula sa parish ng bayan/city mo na isusubmit mo sa simbahan na pagbibinyagan ni baby. At least php 500 ang bayad sa simbahan at at least Php 50 per ninong/ninang. Mas maganda ang solo dahil hindi masyadong marami ang tao sa simbahan at walang pila sa pagbubuhos, medyo personalized din ang binyag pag solo kaya kung may extra ka naman, mag solo ka na. May ibang simbahan din na nangangailangan ng baptismal certificate ng mga ninong at ninang. Ito ang pinaka importante sa lahat, alamin mo ang full name ng mga ninong at ninang para di nickname ang ilalagay mo sa form katulad ng nangyari sa akin.
Nais po naming magpasamat sa lahat ng nagpunta sa binyag at sa mga nagbigay ng mga sosyal na damit at laruan. Hindi po namin mabibili ang mga ito kung hindi dahil sa tulong nyo at so far paborito nya ang mga asong nagsasalita, di lang gulpihin kundi para kainin.
Merry Christmas po sa lahat ng mga luma, bago at magiging tatay kasama ng inyong pamilya! May God bless our family more.