Mangibang Bansa ay Di Biro
Iniisip kong palitan ang blog na ito ng “The OFW Chronicles” pero medyo baduy. At oo, isa na akong ganap na OFW kaya may bago na naman akong mga kwento at experience na maibabahagi di lang sa pagiging tatay pero bilang isang tatay na OFW.
Labing pitong araw ko ng hindi nakakasama ang pamilya ko. Araw-araw, unti-unti kong sinusubukang tanggapin na ganito na ang set-up ko sa mga susunod na buwan. Ang makausap sila sa Skype at viber na lamang ang paraan para makaconnect kami sa isa’t-isa. At biruin mo yun, hanggang dito minumulto ako ng Globe. Oo, kahit dito bulok ang globe. Tsk tsk.
Mabuti na lang umaangat-angat na ang teknolohiya. Di tulad dati na ang tanging paraan ng komunikasyon ay sulat, long distance calls, telegarama, recorded tape at madalas tiis na walang usap-usap ilang taon at buwan. Kung hindi, baka maraming ama, ina, kapatid, lolo at lola ang mababaliw sa lungkot. Kung tutuusin wala tong nararamdaman ko sa nararamdaman ng mga OFW noong unang panahon. Totoong mahirap kumita ng pera, pero mas mahirap ang malayo ka sa pamilya mo.
Medyo ok na ako ngayon, nandito karamihan ang wala sa Pilipinas, lalong-lalo na ang disiplina. Walang bumubusina hanggang mamatay ka, walang tumatawid ng nakared ang stop light, hindi madumi ang hangin, evident ito sa puting kulangot at ok lang pumila dahil walang sumisingit sa pila. Lahat andito na, pwera ang pamilya ko. Emo entry nga pala to.
3 oras lang naman ang lipad pauwi ng Pilipinas, parang umuwi lang kami sa Tayabas at parang balikan lang ng Manadaluyong-Angono, yun nga lang isanlibong beses mas mahal ang pamasahe. Salamat sa mga bagong kaibigang tumutulong sa aking maging masaya. Seryoso, struggle ang bawat araw pero gumagaan dahil sa mga kaibigan at mga nakakasama mo. Sigurado ako, lahat kami may ganitong kwento at hindi mo kakayaning maging isla dito, rurupok ka at manghihina.
So far ito ang mga natutunan ko:
- Maging open, di ka pwedeng introvert, mababaliw ka. Makipag-usap ka, gumala ka, sumama ka sa mga kapwa mo pinoy dahil mahirap kausap ang pader at kisame
- Maging masinop at matipid, di hamak na mas malaki ang sweldo mo dito, pero mas malaki din ang gastusin
- Kung magskype kayo, wag masyado matagal, lalo mo sila mamimiss. Kung baga araw-araw pero paonti-onti. Lahat ng sobra masama
- Try mo gumawa ng mga bagay na malilibang ka, halimbawa matulog. 😀
- Nandito ka na rin lang para magtrabaho, galingan mo na.
- Ito ang pinakaimportante, manalig sa Diyos, magdasal na sana bigyan ka ng lakas ng loob at isip na kayanin ang araw-araw na hamon ng pag-uwi, na alagaan ang mga taong mahahalaga sayo na iniwan mo at magpray na sana po hindi si Binay ang manalo sa darating na eleksyon.
348 days na lang at lalaya na ako, yun e kung hindi ako mag-enjoy dito at isama na lang ang pamilya ko. Saludo sa lahat ng mga OFWs lalo na yung mga senior OFWs(nakamaong na jacket at maraming ginto sa katawan). Wala tong nararamdaman ko sa naramdaman nyo dati.